-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umabot na sa P120,000 ang reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa pumatay sa isang pawnshop manager-reliever sa loob mismo ng kanyang pinagtatrabahuhan sa kanilang sangay sa Mabini St. Kalibo, Aklan.

Nauna nang nag-offer ng P30,000 reward si incoming Kalibo Mayor Juris Sucro para sa agarang pag-aresto sa itinuturing na ”person of interest” na si Mark Archie Torrefiel, 31, ng Brgy. Cajilo, Makato, Aklan at naka-duty na gwardiya sa naturang pawnshop.

Sumunod dito, nagbigay naman ang mga kaanak at kaibigan ng nasa P90,000.

Kung matatandaan, natagpuang naliligo sa sariling dugo ang biktimang si Bonna Hercia Ambay, 24, walang asawa, manager-reliever ng RD Pawnshop at residente ng Brgy. Nauring, Pandan, Antique, Lunes ng umaga, ngunit pinapaniwalaang Linggo pa ng hapon ito pinaslang.

Sa CCTV footage ng katabing establisimento, dakong alas-5:21 Linggo ng hapon, nakitang nagmamadaling lumabas ng establisimento at sumakay ng tricycle ang gwardiya.

Nagkaroon umano ng glitches sa CCTV ng kompaniya na kasalukuyang inaayos ng kanilang IT expert.

Ayon sa pamilya, hindi sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang brutal na pagkamatay ng biktima.

Ang empleyada ay nagtamo ng nasa sampung tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.