Pinabulaanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kumakalat na post na makakakuha ng P800 kada araw na minimum wage ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Iginiit ng ahensiya na ang minimum wages para sa naturang programa ay nakabase sa rates na itinakda ng kaniy-kaniyang regional wage boards kung saan ang pinakamataas na minimum wage sa bansa ay nasa P610 sa National Capital Region.
Gumamit din ang naturang post ng logo ng National Labor Relations Commission, isang quasi-judicial agency ng DOLE na mandatong magpasya sa labor at management disputes at hindi konektado sa TUPAD program.
Sa kabila nito, hinimok ng DOLE ang publiko na agad i-report sa kanila kapag nakatanggap ng anumang impormasyon kaugnay sa hindi awtorisadong paggamit ng programa.
Ang TUPAD program nga ay isang community based package assistance na nagbibigay ng pansamantalang trabaho para sa mga disadvantaged workers edad 18 taong gulang pataas.
Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay magtratrabaho sa loob ng 10 araw bilang minimum hanggang sa maximum na 90 araw depende sa nature ng trabaho na ipagkakaloob sa kanila.