-- Advertisements --

Iniimbestigahan ng Philippine National Police kung may ugnayan ang mga nadiskubreng iligal na operasyon ng gasolina sa Laguna at Navotas City, at kung bahagi ito ng mas malaking sindikato.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez, posibleng konektado ang mga kaso ng “paihi” o fuel pilferage kung saan palihim na kumukuha ng gasolina mula sa tanker trucks at inililipat sa maliliit na container.

Sa Laguna, anim ang naaresto matapos umanong magsagawa ng illegal fuel siphoning sa loob ng isang resort sa San Pablo City. Nakumpiska ang tangke ng gasolina, mga hose, pump, at iba pang kagamitan.

Samantala, sa Navotas Fish Port Complex, siyam naman ang naaresto at tinatayang 65,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 milyon ang nasamsam sa hiwalay na operasyon.

Patuloy na iniimbestigahan ng PNP kung may iisang pinagmumulan ang iligal na recycled fuel at kung ito ay bahagi ng organisadong sindikato, habang tiniyak na paiigtingin pa ang crackdown laban sa fuel pilferage sa bansa. (report by Bombo Jai)