Inakusahan ni House Committee on Public Accounts at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte ng panlilinlang sa Supreme Court at sa publiko kaugnay ng inihain nitong petisyon na ipatigil ang impeachment proceedings ng Kamara laban sa kaniya.
Sa isang pahayag sinabi ni Ridon, nakabatay umano ang petisyon sa maling paglalahad ng mga katotohanan at baluktot na interpretasyon ng Konstitusyon at umiiral na jurisprudence.
Iginiit ng Kongresista na maayos na isinagawa sa plenaryo ng Kamara ang referral ng apat na impeachment complaint noong Pebrero 23, 2026, at hindi lamang ito aksyon ng liderato o komite.
Pinabulaanan din ni Ridon ang pahayag na kailangan ng deliberasyon bago ang referral, aniya’y walang ganitong rekisito sa Konstitusyon, House rules, o umiiral na desisyon ng korte.
Wala rin umanong tumutol o humiling ng deliberasyon mula sa mga mambabatas sa nasabing sesyon.
Tungkol sa one-year bar rule, sinabi ni Ridon na walang paglabag dahil iisang valid referral lamang ang naitala.
Dagdag niya, may sapat na batayan sa batas ang mga hakbang ng House Committee on Justice, kabilang ang pagdinig at pangangalap ng ebidensya.
Sa kabila ng petisyon, tiniyak ni Ridon na magpapatuloy ang Kamara sa proseso ng impeachment.
Inaasahan ding ilalabas sa Abril 14 ang mga dokumento mula sa Ombudsman, BIR, at SEC, pati ang mga testimonya ng mga saksi.
Giit niya, magpapatuloy ang proseso hanggang sa matapos ito upang papanagutin ang bise presidente kaugnay sa maling paggamit ng confidential at intelligence funds ng OVP at DepEd nuong siya pa ang kalihim ng ahensiya.










