Mahigpit na pinapaalalahanan ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon ang mga Pilipino roon na maging alerto at mapagmatyag sa gitna ng mas tumitinding operasyong militar at mga pag-atake sa bansa.
Ang babala ay kasunod ng malawakang airstrikes ng Israel noong Abril 8, 2026 na kumitil ng hindi bababa sa 254 katao at nasugatan ang mahigit 1,100 iba pa, kabilang ang mga sibilyan. Patuloy ang opensiba ng Israel laban sa Hezbollah sa kabila ng umiiral na ceasefire sa pagitan ng U.S. at Iran, na nagdulot ng matinding pangamba sa kaligtasan ng mga dayuhan at lokal na residente.
Ayon sa Embahada, pinapayuhan ang mga Pilipino na umiwas sa mga lugar na apektado ng kaguluhan, maghanda ng mga mahahalagang dokumento at emergency kit, at makipag-ugnayan sa Embahada para sa repatriation assistance.
Naglabas na rin ng evacuation advisory upang hikayatin ang mga Pilipino na lumikas habang may komersyal na flight na bukas. Tinatayang higit sa 1.2 milyong katao na ang na-displace sa Lebanon dahil sa patuloy na labanan, dahilan upang ituring ng Embahada na kritikal ang sitwasyon para sa mga Pilipino roon.
Ang panawagan ng Embahada ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers at kanilang pamilya sa gitna ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan. (report by Bombo Genesis)
















