Nasa P77.5 billion pondo ang ni-realign ng Kamara para sa kalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pang kritikal na social services, sa ilalim ng panukalang P5.268 trillion 2023 National Budget.
Ito ang inanunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ni Speaker ang P77.5 billion “realigned budget” ay kasama sa aprubadong bersyon ng 2023 General Appropriations Bill o GAB ng Mababang Kapulungan.
Aniya, kabilang sa bibigyang-alokasyon ay ang UP-PGH na nasa P500 million; P250 million para sa Cancer Assistance Program; at P5 billion para sa allowances ng health care at non-health care workers at frontliners.
Pasok din sa listahan ang P5 billion para sa dagdag-social pension ng mga indigent senior citizens; at P5 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang P581 million para mapondohan ang Special Education Program o SPED ng Department of Education o Deped; at P10 billion para sa school buildings at classroom construction.
Naglipat din ng budget ang Kamara para mapondohan ang konstruksyon ng sariling gusali ng Commission on Elections o Comelec o P500 million; habang P5.5 billion ang para sa Libreng Sakay Program, fuel subisidy at bike lane program; P5 billion para sa TESDA scholarship; P5 billion din para sa Tulong Dunong Program ng CHED; at P5 billion para sa livelihood and emergency employment programs ng Department of Labor and Employment.
Nag-realign din ang Kamara ng P1.5 billion para sa national broadband project ng Department of Information and Communications Technology.
Ayon naman kay House Appropriations Committee chair Zaldy Co, hindi madaling desisyon ang realignment, ngunit hindi rin makatwirang matulog ang pondo habang napakaraming pangangailangan ang milyun-milyong pamilyang Pilipino habang bumabangon ang bansa mula sa pandemya ng COVID-19.
” Hindi madali ang desisyong ito, ngunit di rin makatwirang matulog ang pondo habang napakaraming pangangailangan ang milyun-milyong pamilyang Pilipino habang bumabangon ang bansa mula sa pandemya,” pahayag ni Rep. Co.
Nabatid na kabilang sa nabawasan para sa realignements ay nasa P50 billion na pondo ng Department of Transportation para sa Metro Manila Subway at North South Railway Commuter project.
” The idea is to allocate more budget for pro-people programs and projects without the need of imposing new taxes. One thing is sure all major infrastructure projects will proceed as scheduled based on a timetable that is implementable for 2023,” paliwanag ni Co.