Nasa P76.5 billion na pondo ang kakailanganin ng Department of Health (DOH) para sa pagbibigay ng health emergency benefits at allowances ng health care at non health care workers.
Ito ang inihayag ni Health OIC Sec. Maria Rosario Vergeire kasabay ng paglalahad ng P301 billion proposed 2023 budget ng ahensya at mga attached agencies nito.
Tinukoy ni Vergeire na sa naaprubahang budget ng DOH sa National Expenditure Program (NEP), mayroong tig P1 billion para sa compensation na nakapaloob sa programmed at unprogrammed funds.
Kabuuang P37 billion naman ang para sa health emergency allowance kung saan P19 billion ang programmed at 18 billion naman ang nakapaloob sa unprogrammed funds.
Sinabi ni Vergeire, ang nasabing halaga ay mabebenipisyuhan ang nasa 805,863 eligible health care workers.
Ngunit ayon kay Vergeire, kulang ang pondo dahil para lamang ito sa anim na buwan.
Bukod pa aniya ito sa arrears o utang ng ahensya sa HEA at kompensasyon noong 2021 hanggang 2022 na nagkakahalaga ng P64.4 billion.
Kaya ipinakokonsidera ng kalihim na madagdagan ang pondo ng ahensya upang maipatupad ito.
Samantala, naniniwala si House Committee on Appropriations Chairman Rep.Rizaldy Co na deserve ng Department of Health (DOH) na bigyan ng suporta para matustusan ang kanilang mga programa dahil malaki ang kanilang role sa pagtugon sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Sinabi ni Co, mahalaga ang magiging papel ng DOH sa pagtugon sa pandemya at sa iba pang problema sa kalusugan na kinakaharap ng bansa.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa deliberasyon ng budget ng DOH para sa 2023 sisikapin nito na tutugunan ang mga naging leksiyon ng bansa sa kinaharap na pandemya at magiging basehan ito at gagamitin para masilbihan pa ng mabuti ang ating ng mga kababayan.
Binigyang-diin ni Co na ang kalusugan ng ating ekonomiya ay naka depende din sa kalusugan ng mga mamamayan.
” And our country’s recovery depends on the physical, financial, and mental recovery of all Filipinos. That is why DOH deserves all the support,” pahayag ni Rep. Co.