Inirekomenda ni Quezon City Rep. Alfred Vargaz na gamitin ang P754.4-billion proposed 2021 budget ng Department of Education (DepEd) sa skills training ng mga estudyante.
Dapat aniya na mayroong sapat na pondo para sa training programs ng mga estudyante, partikular na iyong mga nasa senior high school at higher education institutions, pati na rin ang mga kumukuha ng technical-vocational courses.
Iginiit ni Vargas na dahil sa COVID-19 pandemic, tila hindi na sapat sa ngayon ang pagkakaroon ng diploma lamang kaya marapat na mayroong sapat na kadalubhasaan ang mga estudyante para mahikayat ang kanilang magiging mga employers sa bansa o abroad.
Dapat aniya mayroong training programs ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga manggagawang interesadong matuto ng construction skills, kagaya na lamang ng welding, masonry, carpentry at plumbing.
Ayon kay Vargas, inaasahan na kasi na tataas ang bilang ng construction jobs sa mga susunod na taon kapag makabangon na ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Sinabi rin ng kongresista na dapat mayroong libreng access ang mga estudyante sa mga online courses para ma-improve naman nila ang kanilang digital skills tulad ng coding, web development at digital marketing, na patok na patok aniya sa ngayon.