-- Advertisements --

Lubhang ikinabahala ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang ang pagbaba ng pondong nakalaan para sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng isinumiteng proposed 2021 budget ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara kamakailan.

Iginiit ni Cabatbat na hindi dapat binababaan ang pondo sa sektro ng agrikultura sa panahong palubog ang ekonomiya, maraming nawalan at patuloy na nawawalan ng trabaho, at milyun-milyon ang nagugutom na Pilipino dahil sa COVID-19 pandemic.

Ipinaalala ni Cabatbat ang naging panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo na kailangan ng sapat, accessible, at abot-kayang pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino, at kailangang pagtuunan ng pansin ng buong gobyerno ang food security aspect upang tunay na maayos muli ang kalagayan ng bansa. 

Binigyan diin ng kongresista na magkaugnay ang sikmura, kalusugan at ang ekonomiya kaya dapat sabay-sabay aniyang binibigyan ng solusyon ang mga problema rito ngayong mayroong pandemya.

Umaasa siya na madagdagan pa ang P66.4 billion na alokasyon sa national budget ang hanay ng agrikultura para makatulong na rin sa mga magsasaka at mangingisda.