Sangkaterbang smuggled tobacco products ang nasabat ng mga tauhan Philippine Navy sa katubigang sakop ng probinsya ng Tawi-Tawi.
Ayon kay Naval Forces Western Mindanao acting public affairs office chief, Lt. Chester Ross Cabaltera, naharang ng kanilang mga tauhan ang naturang mga kontrabando sa kasagsagan ng kanilang isinasagawang maritime security patrol, maritime law enforcement operation, external defense operation and sovereign patrol sa bisinidad ng Manuk Mangkaw Island, bayan ng Simunul, sa Tawi-Tawi.
Dito ay tumambad sa mga otoridad ang naturang undocumented tobacco products na tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa Php64-million.
Agad naman itong itinurn over ng mga operatiba sa Bureau of Customs-Port Bongao Station para kaukulang imbestigasyon at proper disposition.
Samantala, sa kabilang banda naman ay ipinunto ni Naval Forces Western Mindanao commander, Rear Admiral Anthony Miraflor na ang matagumpay ng operasyon ito ay nagpapakita lamang ng commitment ng kanilang hanay sa pagprotekta sa mga katubigang sakop ng ating bansa.
Kasabay nito ay muling binigyang-diin ng opisyal na nananatiling determinado ang kanilang hanay sa kanilang misyon na itaguyod ang maritime security at lawful commerce sa mga katubigang sakop ng Pilipinas, at nakahanda rin aniya ang buong hanay ng PH Navy na harapin at hadlangan ang anumang banta sa maritime safety at soberanya ng ating bansa.