Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE)na ”hindi imposible” ang P600 na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila, sa gitna ‘yan ng panawagan ng ilang manggagawa para sa P1,200 na arawang minimum wage increase.
Ayon kay DOLE spokesperson at Assistant Secretary Lennard Serrano, nasa kapangyarihan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region ang pagpapasya sa anumang umento ng sahod.
Binanggit niya na nakatanggap na ang board ng 16 na petisyon para sa wage increase.
Sa kasalukuyan, nasa P695 ang minimum wage sa non-agricultural sector sa Metro Manila, matapos ang P50 na dagdag noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag din ng DOLE na ang RTWPB, na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOLE, Department of Trade and Industry, at Department of Economy, Planning, and Development, pati na rin ng labor at employer groups, ang siyang nagtatakda ng sahod sa rehiyon.
Ayon kay Serrano, patuloy na dadaan sa konsultasyon at pagdinig ang mga petisyon, at inaasahang posibleng mailabas ang desisyon sa Hulyo.
Kabilang sa mga huling petisyon ang mula sa Business Process Outsourcing Industry Employees Network Philippines, na nag-uugnay sa panawagan para sa mas mataas na sahod sa kabila nang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
















