Kinuwestiyon ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pagbayad ng PhilHealth ng P600 million halaga ng late claims sa mga ospital na sakop ng umiiral na amnesty program.
Mayo 14 nang aprubahan aniya ng PhilHealth ang grant na ito kahit pa tinanggihan na ito ng Protest Appeals and Review Department (PARD) ng PhilHealth noon pang 2011 hanggang 2019.
Ayon kay Barbers, walang nangyaring detailed evaluation sa bawat claim at basta lamang binaligtad ng ahensya ang nauna nang desisyon ng PARD.
Hindi maitatanggi aniya na mayroong anomaliyang nangyari, dahil kung titingnan, ang mga nabigyan ng grant ay mga claims na dalawa hanggang siyam na taon nang napagdesisyunan.
Makikita lamang sa bilis nang pag-apruba sa grant sa mga ospital na ito na walang due diligence ang PhilHealth Board at basta inaprubahan na lamang ang recommendations para sa “amnesty”.