-- Advertisements --

Isiniwalat ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa harapan ng Kongreso na kakailanganin nila ng P30 billion kada taon para itayo ang 6.57 milyong kabahayan at matapos ang kanilang backlog sa mga low-cost housing.

Ikinadismaya naman ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas ang pagtapyas sa 2021 proposed budget ng DHSUD.

Masyado aniyang maliit ang P636.2 million na budget para sa naturang ahensya dahil masyadong malayo sa katotohanan ang inaasahan ng pamahalaan na kayang bayaran ng mga tao ang kanilang amortization.

Enero ng kasalukuyang taon nang simulan ng DHSUD ang kanilang operasyon makaraang maging batas noong Pebrero 2019 ang merger ng dalawang ahensya. Ito ay ang House and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Sinabi naman ni Northern Samar Rep. Paul Daza, na walang kahit anong kinikita ang naturang departamento at umaasa lamang sa apat na attached agencies.

Binubuo naman ito ng National Housing Authority (NHA), National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), Home Development Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG fund at Social Housing Finance Corporation (SHFC).