Arestado ng Philippine National Police ang dalawang Chinese nationals at isang dalagita sa Taguig City matapos na makuhaan ang mga ito ng mga otoridad ng nasa Php 6.8 million pesos na halaga ng shabu.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Kirby John Kraft kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., nahuli ang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation sa isang parking lot sa Fort Bonifacio, Taguig City bandang alas-10:00 ng gabi.
Kinilala ng mga otoridad ang naturang mga suspek sa pangalan na Kun Yang, 26 taong gulang; Yang Tao, 29 anyos; at si Faith Jovenes Suñiga na may edad na 18 taong gulang pa lamang.
Sa naturang operasyon ay nakuhaan ng isang kilo ng pinaghihinalaang shabu ang mga ito; 9.5 grams ng “kush” o high-grade marijuana, at 100 tableta ng pinaghihinalaang “Chinese Magoo”.
Samantala, mahaharap ang naturang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.