-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Aabot sa P6.6 million ang halaga ng marijuana bricks na nakumpiska ng mga otoridad sa isinagawang drug buy-bust operation sa Abut, Quezon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station na nakipag-ugnayan sa kanilang himpilan ang PDEA Nueva Vizcaya Provincial Office at PDEA Quirino Provincial Office may kaugnayan sa isasagawa nilang operasyon kontra sa iligal na droga.

Katuwang ang PDEG Special Operation Unit 2, Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office, 1503rd Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion 15, PRO COR at PDEA Region 2 ay isinagawa ang anti-illegal drug buy-bust operation sa Barangay Abut.

Nagresulta ito ng pagkakasamsam ng dalawang sako na naglalaman ng 55 marijuana bricks at may estimated value na P6,600,000.

Una rito ay nakipagtransaksyon ang isang PDEA agent na nagpanggap na buyer sa suspek na si Bryan Appag ng Bannawag, Tabuk City, Kalinga para sa pagbili ng marijuana at nagkasundo na isagawa ito sa Abut, Quezon, Isabela na malapit na sa boundary ng Kalinga at Isabela.

Nakatunog umano ang pinaghihinalaan at agad na tumakas patungo sa madamo at bulubunduking bahagi ng lugar.