Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang maanomalya umanong pagbili ng Lung Center of the Philippines (LCP) sa ilang gamit ng tanggapan na umabot ng P6.4-milyon.

Batay sa repot ng COA noong 2018, lumabas na hindi dumaan sa public bidding ang procurement ng Lung Center sa mga ilang industrial at medical gases.

Nabatid ng state auditors na tinipid ng LPC ang pagbili sa mahahalagang gamit tulad ng liquid oxygen na siyang pinaka-kailangan ng mga pasyente.

“Life-saving oxygen supply is of critical importance to a hospital; hence, there is a need to ensure that the hospital has the right system supported by an experienced and reliable supplier.”

Ayon sa COA, walang lumabas na invitation para sa bidding ang procurement sa naturang gamit, gayundin na walang presyo mula sa mga nag-bid.

Wala rin umanong kontratang nilagdaang ang contractor na ginawaran ng bayad.

Kaugnay nito nagpaliwanag ang Lung Center at inaming hindi natutukan ang pagbili sa mga gamit dahil sa dami ng mga proyekto na kanila umanong hawak noong panahon na binili ang mga ito.

Nangako rin ang LPC na gagawing prayoridad sa susunod ang pagtutok sa mga susunod na public bidding ng tanggapan.