Iniulat ng Department of Justice (DOJ) na nasa P50 billion ang nawala sa pamahalaan dahil sa fake receipt scam na tinatangkilik ng malalaking kompaniya.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa loob ng 15 taon ilang “ghost” companies ang nagpapatakbo ng sopistikadong mga operasyon para gumawa ng mga pekeng resibo na binibili ng malalaking mga korporasyon para dayain ang kanilang income tax payments.
Nagresulta aniya ito ayon sa kalihim ng hanggang P50 billion liabilities ng mga sangkot na kompaniya batay sa pagtaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Giit ni Sec. Remulla na isa itong sistematikong paraan para dayain ang pamahalaan kung saan ang income tax payments ay mayroong mga deduction at sinusuportahan ng pekeng mga dokumento na paglabag aniya sa National Internal Revenue Code at Revised Penal Code.
Kung matatandaan na noong Disyembre ng nakalipas nataon, ginalugad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang condominium sa Quezon city na ginagamit bilang opisina kung saan nadiskubre ang mga pekeng resibo at sales invoice.
Noong Marso naman ng kasalukuyang taon, naghain ang BIR ng criminal complaint sa DOJ laban sa ghost corporations na sangkot sa umano’y pagbebenta ng pekeng resibo sa malalaking kompaniya.
Nagresulta ang naturang scheme sa tax libailities na aabot sa P25.5 billion para sa taong 2019 hanggang 2021.
Ibinunyag ni Remulla na isang negosyante at esports personality na si Bernard Chong ang umano’y dawit sa fake receipt scam.
Isa aniya si Chong sa top incorporators at isa sa top officers ngmga komapniya at tinukoy ng isa sa mga testigo sa criminal complaint ng BIR bilang isa sa nagpapatakbo ng naturang scam.
Kasalukuyang nsa Amerika o Canada aniya si Chong na ikinokonsiderang pugante dahil sa shabu case nito.
Subalit kamakailan lamang inabswelto ng Court of Appeals si Chong sa kaso na nag-ugat sa nabigong grug smuggling operation noong 2019.
Bagamat tumangging pangalanan, nagpahiwatig naman si Remulla na ilan sa mga malalaking kompaniya na patron ng fake receipt scheme ay mula sa food and real estate industries.