-- Advertisements --

Handa raw tulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kompanyang hindi makapagre-release ng isang buwang sahod sa kanilang mga empleyado na apektado ng Enhanced Community Quarantine dahil sa COVID-19.

Sa isang press briefing kanina sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na makakatanggap ng tinatayang P5,000 ang mga apektadong empleyado basta’t maga-apply ang kanilang mga kompanya sa DOLE.

Nagpasalamat ang kalihim sa ilang malalaking kompanya na una ng ikinonsidera ang pagbabayad sa mga empleyadong hindi makakapasok dahil sa lockdown.

May iba pa nga raw na kompanyang nag-release na ng 13th month pay.

“We are also appealing to other big businesses na kung maaari ay buksan din nila ang kanilang puso para tumulong sa ating manggagawa.”

“Ngayong hindi mabigyan, yung ayaw bigyan ng employers nila (ng sahod) dahil absent sila bibigyan ng financial assistance na P5,000.”

Ipinaliwanag naman ni Labor Asec. Dominique Tutay ang proseso kung paano makakapag-apply ang mga kompanya.

Pero nilinaw din nitong prayoridad nila ang mgasmall micro and medium enterprises sa ayuda.

“Ito po ay isu-submit nila (companies) yung establishment report form na nakalagay ang pangalan ng mga bawat empleyado na naapektuhan. Isu-submit sa e-mail address ng mga DOLE regional office na nakakasakop sa kanilang tanggapan.”

“Kasama sa report ay ang payroll (ng employees) para malaman kung lehitimo yung mga manggagawa na inireport at ina-apply nila.”

“Ito ay aasikasuhin ng regional offices at ang mode of payment ay through bank transfer. Doon mismo sa bank account ng mga manggagawa, so walang movement dito (yung affected workers).”

Bukod sa financial assistance, may handog din na ayuda ang DOLE sa mga manggagawa mula sa informal sector.

Ayon kay Atty. Ma. Karina Trayvilla, direktor ng
Bureau of Workers with Special Concerns, makakatanggap ng higit P5,000 bayad ang mga kwalipikadong manggagawa.

Ang kailangan lang nilang gawin ay mag-disinfect sa kanilang tahanan at tumulong sa kanilang kumunidad sa loob ng 10 araw.

Para sa mga nais mag-avail ng programa, kailangan lang daw nilang lumapit sa local health offices ng kanilang lugar.