Tiniyak ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maipapamahagi na ang P500 monthly subsidy ng pamahalaan para sa mga low income families bago ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na nagkaroon lamang daw ng pagkaantala ng payout.
Ang naturang subsidy ng gobyerno ay ibibigay sa loob ng tatlong buwan o kabuuang P1,500 para sa bawat isa.
Sinabi ni Dumlao na nasa 12.4 milyong kabahayan ang kwalipikado sa ilalim ng subsidy program na ito.
Ipinag-utos na raw ng Pangulong Duterte ang pagpapalabas ng buwanang subsidy para sa mga pamilyang mababa ang kita, na tinaasan pa niya mula P200 hanggang P500 kada buwan noong Marso.
Dahil dito, sinabi ni Dumlao na inihahanda pa rin ang tamang dokumentasyon para sa proseso ng pamamahagi.
Kabilang sa mga kwalipikadong sambahayan ang nasa ilalim ng Conditional Cash Transfer program, mga benepisyaryo ng Social Pension program, at iba pang mahihirap na sambahayan na tinukoy ng DSWD’s National Household Targeting System for Poverty Reduction.










