-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na aabot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng mga paputok ang nakumpiska ng kanilang mga tauhan sa kasagsagan ng bagong taon.

Ayon kay NCRPO chief B/Gen. Debold Sinas, ang serye ng mga operasyon ay bahagi ng kampanya kontra paputok o Oplan Iwas Paputok.

Kabilang dito ang mga paputok na iprinisinta ng Manila Police District at Eastern Police District noong gabi ng December 31, 2019 na mula sa mga vendor na ilegal na nagbebenta ng mga produkto o walang kaukulang permit.

Ito ay ang Super Lolo, Great Grandfather, Pop Pop, Whistle Bomb, Sinturon ni Hudas, Pla Pla, Og Thunder, Boga at pati mga Luces.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Sinas na ang tagumpay sa pagpapatupad ng Ligtas Paskuhan 2019 ay dahil sa maigting na kampanya ng mga awtoridad at pagpapaalala sa publiko na gumamit na lang ng alternatibong paputok.