NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit P5-milyon ang halaga ng nakumpiskang pinaniniwalaang shabu sa isinagawang drug buy bust operation sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Quezon.

Sa nakalap na impormsyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, kinilala ang suspect na si Mary Grace Manjares Teñido, 36, residente ng Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City na nakunan ng aabot sa 150.45 grams ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang aabot sa P3-milyon ang halaga.

Sa kabilang dako, arestado rin ang suspek na si Wendell Pranada Dolo, 43, sa isa pang buy bust ops sa Brgy Malabanban Norte, Candelaria, Quezon.

Narekober naman dito ang aabot sa 111.16 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2-milyon at iba pang drug paraphernalia.

Nabatid na matagal ng minamanmanan ng mga otoridad ang nasabing mga suspek dahil sa iligal na transaksyon ng droga sa naturang mga lugar.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspect habang hinahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.