-- Advertisements --

Nasa P5 billion na dagdag-pondo ang kakailanganin ng Commission on Elections (Comelec) kung matutuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa susunod na taon.

Ito ang inihayag ni Comelec chairman George Garcia, sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kanina ukol sa panukalang ipagpaliban ang Dec. 5, 2022 Barangay at SK polls.

Ayon kay Garcia, ang P8.449 billion na pondo para sa halalang pambarangay at SK ngayong taon ay sapat naman.

Pero paliwanag ni Garcia, kung maging ganap na batas ang pagpapaliban sa halalan sa Disyembre, bubuksan muli ang voter registration at dahil dito ay inaasahang dadami pa ang mga botante.

Bunsod pa nito, kakailanganin na magkaroon ng dagdag na mga presinto, at mangangailangan din ng dagdag na poll workers.

Kapag naman kumuha ng poll workers, sinabi ni Garcia na nangangahulugan na kailangan din ng dagdag na pondo para sa honoraria, at ite-training pa sila.

Sa katunayan, aabot sa P3 billion ang pagtaya ni Garcia para sa honoraria ng mga poll workers gaya ng mga guro.

Binanggit din ni Garcia na kakailanganin din ng dagdag na forms, mga gamit gaya ng ballpen, ink at balota.

Nakiusap din ang Comelec sa Kamara na huwag naman sanang maidaos sa taong 2024 ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections, sakaling mapagpasyahan na ipagpaliban ang naturang halalan na nakatakda sa Dec. 2022.

Sinabi pa ni Garcia na kinikilala ng poll body ang kapangyarihan ng Kongreso na ipagpaliban ang eleksyon at palawigin ang termino ng mga lokal na opisyal ng barangay.

Aniya, ang naturang usapin din ay isang “political question” pero susunod at “amenable” umano ang Comelec sa Kongreso kung magdesisyon na idaos ang Barangay at SK Elections sa May 2023 o Dec. 2023.

Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na tuloy-tuloy naman ang kanilang preparasyon para sa Dec. 5, 2022 Barangay at SK polls.

Sa pagdinig, kinumpirma ni Garcia na mula sa P8.449 billion na budget para rito, nasa P800,000 pa lamang ang nagagamit.

Ngunit sa mga darating na buwan aniya ay tiyak na magagastos ang ibang pondo dahil sisimulan na ang procurement ng mga gamit pang-eleksyon at printing ng mga balota.

Sa bilang ni Garcia, nasa 90 milyong balota ang kailangan para sa Barangay at SK Elections, kung saan 67 milyong balota ay para sa mga regular na botante habang nasa 25 milyong balota para sa SK.