Nasa P5.2 billion halaga ng loans ang nailabas ng pamahalaan para sa mga maliliit na negosyo na apektdo ng samu’t saring restrictions sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, nasa 33,200 loan applications ang inaprubahan ng Small Business Corp. (SB Corp.), na siyang financing arm ng DTI.
Sa ngayon, patuloy na nadadagdagan ang bilang na ito matapos na matanggap na rin ng kagawaran ang karagdagang P2.4 billion na budget para sa kanilang loan program sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Nauna nang sinabi ni Lopez na pinakamatinding tinamaang sektor sa kasagsagan ng pandemya ay kinabibilangan ng turismo, transportasyon, entertainment, retail, at iba pang mga nasa non-essential sectors.
Kung ang hangad aniya ay mapabilis ang pagbangong ng ekonomiya, sinabi ni Lopez na kailangan na palakasin ang consumer confidence at para mailigtas ang MSMEs sa bankruptcy at mapanatili ang trabaho ng maraming mga Pilipino.
Magugnita na sa second quarter ng taon, tumaas ang ekonomiya ng Pilipinas sa 11.8percent year-on-year.