-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na gawing P5.024 trillion ang ceiling para sa pambansang pondo sa 2022.

Kasunod ng special meeting kahapon, inaprubahan ng DBCC ang budget ceiling na ito alinsunod na rin sa macroeconomic assumptions at foregoing fiscal targets.

Ang pambansang pondo sa susunod na taon ay 11.5% na mas mataas kumpara sa P4.5-trillion fiscal program ngayong 2021.

Ayon sa DBCC, ang proposed 2022 national budget ay gagamitin pa rin sa pagpapatatag ng bansa sa harap ng banta ng COVID-19 pandemic, kung saan prayoridad pa rin ang healthcare development at social services, habang pinapalakas din ang economic growth sa pamamagitan nang pag-invest sa mga public infrastructure.

Noong Enero, nanawagan ang Department of Budget and Management (DBM) sa iba’t ibang ahensya at kagawaran ng pamahalaan na paghandaan ang kanilang budget proposal para sa fiscal year 2022.

Target kasi nilang isumite ang budget proposal sa Hulyo 26, araw kung kailan idaraos din ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabilang dako, hindi naman binago ng DBCC ang kanilang gross domestic product (GDP) target na 6% hanggang 7% ngayong taon, 7% hanggang 9% sa 2022, at 6% hanggang 7% sa 2023 at 2024.

Ito ay kahit ba bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos ang peak noong Abril 2021 at ang unti-unting pagbukas ng ekonomiya sa pamamgitan ng mas maraming targeted granular lockdown.