Kinuwestyon ng Department of Energy (DOE) ang ipinataw na P47 convenience fee ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nitong magbabayad ng kanilang bill online.
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, nagpadala na ng sulat ang kanyang tanggapan sa kompanya para magpaliwanag sa dagdag singil.
“Parang hindi po naging convenience ito, parang naging isang pabigat sa bulsa ng ating mga consumers,” ani Cusi sa isang video message.
“Kaya tinitingan din po natin ito. Gusto po rin nating malaman kung bakit po nagkaroon ng ganito additional charges pag nagbabayad ang mga consumers na gagamitin ang application system nila.”
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Meralco legal and corporate governance head William Pamintuan na isang option ang online payment na kanilang binuksan para sa mga customer na humihingi ng 24/7 payment option.
Hindi naman daw Meralco ang makikinabang sa convenience fee kundi mga service providers.
Nilinaw ni Pamintuan na hindi nila ikakarga sa buwanang singil ang paggamit ng mga customer sa online option.
Magpapadala na raw ng sagot na liham ang Meralco sa DOE.