
Tuloy-tuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng Department of Justice (DoJ) sa ilang ahensiya ng pamahalaan para pag-usapan ang pamamahagi ng medical supplies na aabot sa P41.7 million ang halaga sa mga frontliners na nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete, mayroon na raw silang binalangkas na inter agency circular na pipirmahan kasama ang Bureau of Customs (BoC), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at maging ang Department of Agriculture (DA) para naman sa mga nakumpiskang agricultural goods.
Layunin ng circular na magkaroon ng seizure at forfeiture o disposition sa mga confiscated goods.
Sa ngayon ang DoJ at DTI pa lamang daw ang pumirma rito.
Ang mahigit P41 million na halaga ng mga medical items na nakumpaiska ng NBI ay dahil pa rin sa isinasagawa ng mga negosyanteng profiteering, hoarding at overpricing ng limitadong medical supplies mula nang ipatupad ang enhanced community quaratine dahil sa pangamba ng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay NBI Director Eric Distor, ang mga nakumiskang mga items ay kinabibilangan ng alcohol at hand sanitizers, thermal scanners, personal protective equipements (PPEs) at surgical at face masks.
Maalalang ito ang mga nagkukulang sa ating mga kababayan mula nang ipatupad ang lockdown mula noong March 17, 2020.
Sa ngayong tuloy-tuloy umano ang isinasagawang raid ng NBI at aabot na sa 61 operations nationwide ang naisagawa ng NBI-Manila based at Regional Operations units laban sa mga nagsasamantala ngayong panahon na humaharap ang bansa sa krisis.
Maliban sa P40 million na halaga ng medical supplies nasa 122 na indibidwal na rin ang kanilang naaresto sa mga buy-bust at entrapment operations.
Sinampahan na ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 7581 (Price Act of the Philippines), R.A. 7394 (Consumer Act of the Philippines), R.A. 11469 (Bayanihan to Heal as One Act) at R.A. 10175 para sa mga online sellers ng mga naturang items.
















