LEGAZPI CITY – Umaabot na sa P41.6 milyon na halaga ng tulong ang naipapamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente sa Albay na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Disaster Response Management Division Chief Marites Quismorio, nasa P21.9 milyon nito ay mula sa 45,000 na family food packs na ipinamigay sa mga local government units na kaya ng magtagal ng nasa 15 na araw.
Nasa kalahating milyon naman ang para sa mga de boteng inoming tubig na ibinahagi sa mga residente ng Bacacay, Malilipot, Daraga, Guinobatan, Ligao, Sto. Domingo, Camalig at lungsod ng Tabaco habang P18.9 milyon naman ay mula sa mga family tents at laminated socks.
Ibinahagi rin ni Quismorio na nakapagbigay na ang DSWD ng tig-P5,000 na cash aid para sa nasa 57 residente sa Ligao na may kabuohang halaga yan na nasa P280,000.
Ayon sa opisyal, may ilang mga grupo, non government organizations at international organizations mula pa sa ibang bansa ang nagpapaabot na rin ng tulong sa Albay na idinederetso na sa provincial government.
Tiniyak naman ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng tulong sa mga evacuees habang hindi pa tumitigil ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon.
Samantala base naman sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nakalipas na 24 oras ay umabot na sa 307 na rockfall events, 13 Pyroclastic Density Current o uson at apat na mga volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan.