Naghain si Senate President Pro Tempre Ralph Recto ng ikatlong Bayanihan bill upang tumulong sa mas mabilis na pag-rekober ng ekonomiya ng Pilipinas na sumadsad dahil sa COVID-19 pandemic.

Aabot ng P400 billion ang nakapaloob sa naturang panukala na itinutulak ngayon ni Recto sa Senado kung saan karamihan dito ay mapupunta upang dagdagan ang pondo na kinakailangan para sa pagbili ng bakuna.

Dibale na aniya na sumobra ang bayad ng gobyerno para mabakunahan ang 100% ng populasyon sa bansa kahit hindi ito imandato, kung kailan magiging available ang bakuna ay maaaring magpaturok ang taumbayan kung kailan nila gusto.

Noong nakaraang buwan ay sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na halos P73.2 billion ang kakailanganin sa pagbili ng COVID-19 vaccines na ipapamahagi sa 60 milyong Pilipino.

Sa ilalim ng panukalang 2021 budget, P72.5 billion ang inilaan para sa COVID-19 vaccines at tanging P2.5 billion lamang ang nasa ilalim ng regular na pondo habang ang iba naman ay inilaan sa mga unprogrammed funds.

Magugunita na noong Marso nang balangkasi ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1, na nagbigay daan para sa realignment ng mga available na pondo ng gobyerno at probisyon para sa halos P200 billion emergency cash aids na ipinamahagi naman sa 18 milyong indibidwal.