LEGAZPI CITY – Nabisto ng kompanya ng alak ang modus ng mga empleyado ng trucking services na kinontrata nitong magdeliver ng P4.5 million na halaga ng alak mula sa Sta. Rosa City Laguna patungo sa Legazpi City.
Ito ay matapos na magsumbong ang isa sa empleyado ng AS Bolivar Trucking, na sangkot sa sinasabing “hijack me” scheme ng grupo.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Dexter Nabol, hepe ng Pioduran Municipal Police Station, nabatid na magkakahiwalay na araw bumiyahe ang mga truck mula Enero 22, 23 at 24.
Noong Enero 25, nagpasaklolo sa pulisya ng Lopez, Quezon ang may-ari ng trucking service na si Robert Chu, 51-anyos kasama si Jon-Jon Dela Torre na subcontractor.
Ayon sa dalawa, na-hijack ang tatlong truck na may kargang mga alak subalit duda ang pulisya sa ilan sa mga impormasyon hanggang sa mapaamin na gawa-gawa lamang ang kwento.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Lopez PNP sa pulisya sa mga katabing lalawigan.
Nitong Lunes nang ma-recover ng pulisya ang isa sa mga truck na minamaneho ni Nelson Chavez, 44 kasama ang pahinanteng si Dante Canaveral, 35 sa Brgy. 1 Pier Site sa bayan ng Bacacay.
Matapos ang isinagawang imbestigasyon, itinuro rin ang dalawa pang kasamang truck na na-track ang lokasyon sa Brgy. Cuyaoyao at Brgy. Caratagan sa bayan ng Pio Duran.
Pabalik na ng Quezon ngayon ang tatlong ten-wheeler trucks ng mga alak subalit dalawa na lamang ang may karga dahil nai-distribute na sa Masbate at Catanduanes ang laman ng isa.
Samantala, maging ang mga driver at pahinante ng trucks ay naiturnover na sa pangangalaga ng Quezon PPO para sa karampatang disposisyon.










