Lumagpas pa sa full-year revenues noong 2021 ang nakolektang buwis ngayong taon sa unang walong buwan mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni BIR Director Atty. Sixto Dy Jr., nakakolekta ang ahensiya ng P4.438 billion mula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.
Mas mataas ito kumpara sa P3.91 billion na nakolejta para sa full year 2021.
Noong nakalipas na taon, kinapos ang koleksiyon mula sa target na P32.1 billion alinsunod sa Republic Act 11590 o ang POGO Law na nilagdan noong September 2021 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sulat sa Senado, sinabi ng BIR na ang projections sa tax collection para sa taong 2021 ay base sa pagtaya na ang operasyon ng POGO ay magbabalik sa pre-COVID-19 levels.
Subalit hindi nagbalik ang POGO entities sa Pilipinas at ilang foreign nationals na empleyado ng POGo ay bumaba at hindi naabot ang pre-pandemic levels.
Sa iprinisentang data ng BIR, mayroong kabuuang 163 POGO entities sa bansa as of June 2022 na binubuo ng 35 licensees kung saan 26 lamang ang operational at 130 service providers subalit 127 lamang ang operational.
Ayon sa BIR ang ilan sa dahilan ng kabiguan ng ilang POGo industry na makabalik sa pre-pandemic levels ay dahil lumipat ang mga ito sa ibang bansa gaya ng Dubai sa United Arab Emirates at sa Vietnam, pagbabago sa taxing regime at nagpapatuloy na crackdown ng Chinese government laban sa online gambling.