Aabot sa P357 billion ang nawala sa kita ng pamahalaan mula 2010 hanggang 2019 dahil sa smuggling ng produktong petrolyo, ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda.
Sa pulong ng komite nitong umaga, sinabi ni Salceda na base sa datos mula sa United Nations Conference on Trade and Development ay natuklasan na sumirit pataas ang smuggled fuel mula 2010 hanggang 2017.
Ito ay bago pa man nakatulong ang fuel marking sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa pagpapababa ng halaga ng nawala sa kita ng pamahalaan dahil sa smuggling noong 2018.
Mula noong taon na iyon ay bumaba naman ang naitatalang smuggling, pero tumataas pa rin ang foregone revenue dahil nagpatupad ng bagong excise taxes ang TRAIN Law sa produktong petrolyo.
Ayon kay Salceda, pinakamadaling maipuslit ang smguggled na produktong petrolyo sa mga freeport zones kung saan ang fuel marking ay mas maluwag dahil sa labas na ito ng teritoryo ng Bureau of Customs.
Bukod dito, posibleng source din ng smuggling ang mga customs bonded warehouses.
Dahil dito, umaapela si Salceda sa Department of Finance na bumuo ng “Task Force Paihi” na siyang lalaban sa fuel smuggling.
Kasabay nito ay pinahihigpitan din ni Salceda sa BOC at Bureau of Internal Revenue ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas para maiwasan ang pagasok ng mga smuggled na produktong petrolyo.