Aabot na sa kabuuang P343,454,774 halaga ng pinsala ang iniwan ng Bagyong Odette sa mga imprastraktura at agrikultura sa Visayas at Mindanao, ayon sa NDRRMC.
Sinira ng bagyo ang iba’t ibang pasilidad ng pamahalaan, mga flood control projects, kalsada, tulay at iba pang imprastraktura na nagkakahalaga ng P225,170,000 pati na rin ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura na aabot naman sa P118,284,774.
Nasa 54,783 bahay ang totally o partially damaged, 41 kalsada at apat na tulay ang nakitaan nang pagkasira, apat na airports at 118 pantalan ang may damage habang 5,391.77 hectares ng taniman, at 15 livestock at poultries ang na-wipeout sa mga apektadong rehiyon.
Kabilang na rito ang Mimaropa (Region 4B), Western Visayas (Region 6), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), Northern Mindanao (Region 10), Davao (Region 11), Caraga (Region 13), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa 227 lungsod at munusipalidad na nakaranas ng power interruption, tanging 21 lugar lamang ang mayroon na ulit kuryente.
Samantala, ang linya naman ng komunikasyon ay naibalik na sa 106 na lugar mula sa kabuuang 136 lugar na nakaranas ng signal interruption.