Nabigyan na ng tig-P30,000 na tulong pinansiyal ang mga Pilipinong apektado ng suspensiyon ng issuance ng visa para sa mga bagong hire na Filipino workers sa Kuwait ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sumailalim din ang mga apektadong Pilipino sa job matching para sa mga oportunidad sa trabaho sa ibang mga bansa.
Tiniyak din ng ahensiya ang tuluy-tuloy na tulong hanggang sa makahanap ng trabaho ang mga OFW upang patuloy na makapagbigay ng suporta para sa kani-kanilang mga pamilya.
Una ng sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na aabot sa 815 Pilipinong na-hire na magtrabaho sana sa Kuwait subalit naapektuhan ng visa suspension.
Matatandaan na nagpatupad ng entry ban ang Kuwaiti government sa mga Pilipino na walang residence permit dahil umano sa paglabag ng gobyerno ng Pilipinas sa labor agreement.
Noong nakalipas na linggo, nagsagawa ng dalawang araw na bilateral talks ang mga opsiyal ng Pilipinas at Kuwait kung saan tinalakay ang bagong polisiya sa visa suspension subalit walang progress na nangyari dahil sa maraming pagkakaiba sa maraming isyu.
Subalit umaasa pa rin si Ople na mareresolba ang naturang isyu sa pamamagitan ng labor diplomacy.