-- Advertisements --
image 169

Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa P200 hanggang P300 million ang kakailanganing pondo para maipagpatuloy ang educational assistance program para sa mga indigent students.

Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, natapos na kasi ang naturang programa noong Sabado.

Inamin naman ni Tulfo na hindi sapat ang P1.5-billion budget para sa naturang programa dahil na rin sa bilang ng mga estudyanteng nagparehistro na aabot sa dalawang milyon.

Dahil dito, ipinanukala ng DSWD na ang kanilang hirit na P200 hanggang sa P300 milyon na karagdagang pondo para sa cash assistance program ay ipapamahagi na lamang kada distrito at ang registration ay posibleng isagawa kada rehiyon.

Ayon naman kay DSWD Undersecretary Jerico Javier, ang kabuuang halaga para sa cash assistance program at pumalo sa P1,631,350,000.

Ipinunto nitong nag naturang halaga ay nagresulta sa 108 percent utilization sa orihinal na P1.5-billion budget para sa naturang inisyatiba.

Dagdag ng opisyal, ang natitirang P131 million ay nakuha naman sa regular na pondo ng DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

Mulang nang sinimulan ang programa noong August 20 at pagkatapos ng anim na Sabado ay pumalo na ang ang mga nakinabang na benepisaryo sa 676,922.

Ang inisyal na target ng DSWD para sa naturang programa ay 400,000 students sa buong bansa.

Sa ilalim ng naturang programa, puwedeng mag-avail dito ang tatlong estudyante na mula sa indigent family na makatatanggap ng P1,000 para elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students at P4,000 para sa mga college students o vocational courses.