Nagpaliwanag ang Department of Education (DepEd) matapos kwestyunin ng Commission on Audit (COA) ang P300-milyong halaga ng gastos ng kagawaran sa out of town trainings nito noong nakaraang taon.
Sa isang panayam sinabi ni Education Usec. Annalyn Sevilla, hindi pa aabot sa 1-percent ng kabuuang budget ng DepEd para sa trainings nito ang katumbas ng naturang halaga.
Aminado ang opisyal na batid na nilang make-kwestyon dahil sa inabot na milyones ng gastos para sa training ng 900,000 nilang personnel.
Pero wala raw dapat ikabahala, dahil maliit umano kung maituturing ang kinuwestyong gastos.
Paliwanag pa ni Sevilla, parte ng kanilang panuntunan na gawin ang trainings sa iba’t-ibang bahagi ng bansa para lahat ng DepEd personnel ay makasali.
Nasa P4-bilyon ang halaga ng training budget ng DepEd kada taon.
Sakop nito ang nasa halos 50,000 eskwelahan mula sa 16 na rehiyon sa bansa.