Umaapela si Assistant Minority Leader Arlene Brosas sa pamahalaan na ilabas na sa lalong madaling panahon ang P3 billion na halaga ng fuel subsidy sa harap ng ilang serye ng oil price hikes sa harap ng pandemya at sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay brosas, limitado na nga ang saklaw ng pinangakong fuel subsidy ng pamahalaan at napakabagal din ng release nito para sa transport at agricultural sectors.
“Lahat ng pwedeng gawin, dapat gawin ng gobyerno sa halip na atupagin ang pagpapanalo ng mga manok nito sa halalan. Pero hanggang ngayon, tulog mantika pa rin?” ani Brosas.
Nabatid na sa darating na Martes, inaasahang papalo sa P5.50 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel, habang P3.50 naman ang umento sa presyo ng kada litro ng gasolina.
Muling nanawagan ang kongresista sa Malacanang na magpatawag na ng special session para matalakay at mapabilis ang approval ng panukalang batas na naglalayong suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo na nakasaad sa ilalim ng TRAIN Law, at para ma-review na rin ang Oil Deregulation Law.
Makakatulong ng malaki din aniya kung ipag-utos na rin ng Malacanang ang agarang nationwide price freeze kasabay nang pagkakaroon ng assistance programs sa mga micro, small and medium enterprises.