Ipinagmalaki ni PNP Director for Logistics, PMGen. Ronaldo Olay, na matagumpay na naisakatuparan ng PNP ang P3.5 bilyong halaga ng procurement projects na bahagi ng Capability Enhancement program ng PNP.
Ayon kay Olay, ito ay binubuo ng 17 proyekto mula 2020 hanggang sa kasalukuyang taon, na kinabibilangan ng mga bagong high-speed tactical watercraft, Utility Truck, Medium Troop Carrier, patrol jeeps, at iba pa.
Matatandaan na ang mga bagong biling gamit ay iprinisinta kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos noong nakaraang Pebrero 9 sa Camp Crame.
Kaugnay nito, ginawaran ng plaque of appreciation ngayong umaga Sa Camp Crame ang mga miyembro ng PNP National Headquarters-Bids and Awards Committees (NHQ-BAC), Technical Working Group, NAPOLCOM, People Power Volunteers for Reforms (PPVR), at Commission on Audit , sa kanilang papel sa mahusay at transparent na procurement process.
Pinuri naman ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel O Sermonia ang mga awardees sa pagtiyak na walang bahid ng korapsyon ang procurement process sa PNP.