-- Advertisements --

LAOAG CITY – Umaabot sa P3.4-milyon ang halaga ng mga umano’y pekeng gamot na nakumpiska ng mga kasapi ng National Bureau of Investigation sa Brgy. 1 dito sa lungsod ng Laoag.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay NBI chief Hilario Manding dito sa lungsod, narekober nila ang mga naturang gamot sa bodega ng nagngangalang Mary Ann Incilio na tubong Sinait, Ilocos Sur sa pamamagitan ng search operation sa bisa ng seach warrant.

Ayon kay Manding, mga karaniwang gamot na binibili ng publiko ang mga narekober kagaya ng Biogesic, Alaxan, Kremil-S, Medicol, Solmux, Myra E, Decolgen, Bioflu, Neozep, at Dolfenal.

Possibleng maharap sa kasong paglabag sa RA 8293 o Intelectual Property Code at Law on Counterfeit Medicines ang nagmamay-ari kasama ang distributors na nangungupahan sa bahay na ginaawang bodega.

Nabatid din ni Manding na pangunahing pinagbabagsakan ng mga umano’y pekeng gamot ay mga Sari-sari stores at ilang parmasya.

Una rito ay nagsagawa ang NBI ng test buy sa naturang bodega, at agad na ipinadala sa United Laboratories para sa eksaminasyon at dito ay nakatanggap ng ahensya ng sertipikasyon na ang mga gamot na nabili ay peke.