Aabot sa P29.1 billion ang kikitain ng pamahalaan sa panukalang naglalayong buwisan ang digital services sa bansa, ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda.
Ayon kay Salceda, hangad ng inihain niyang House Bill 6765 na masolusyunan ang aniya’y “loopholes” sa tax system sa bansa dahil sa hindi malinaw sa kung anong buwis ang dapat singilin sa digital services sa bansa
Sa kanyang tantya, aabot ng P29.1 billion ang kikitain rito ng pamahalaan, na maaring gamitin aniya bilang karagdagang pondo sa laban kontra COVID-19.
Hangad ng panukalang ito na amiyendahan ang National Revenue Code para maipasok ang nararapat na buwis para sa digital economy.
Sa ilalim ng House Bill 6765, ang mga “network orchestrators” tulad ng Grab, Angkas ay sisingilin ng income taxes.
Ang subscription-based services tulad ng AirBnB, Netflix at e-books, pati na rin ang electronic commerce platforms gaya ng Lazada at Shoppee ay sisingilin na ng value added tax (VAT).
Kasama rin sa bubuwisan ang digital advertising ng mga tinaguriang internet giants na Google at Facebook at mga subscription-based services tulad ng Netlfix at Spotify.
Iginiit ni Salceda na kasalukuyang ipinapatupad na sa ibang bansa tulad ng India at Indonesia ang digital taxation, at hindi naman aniya apektado rito ang mga kompanyang gumagamit ng internet para sa kanilang operasyon o pagpapahatid ng serbisyo.
Kung maisabatas ito, sinabi ni Salceda na P1.20 billion ang malilikom sa improvement pa lang ng tax compliance ng mga network orhcestrators; P4 billion sa digital advertising; P2.9 billion sa iba pang digital services; at P2.2 billion mula naman sa VAT na sisingilin sa subscription-based services.