-- Advertisements --

Umaapela si Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Duterte administration na pahintulutan ang mga lokal na pamahalaan na apektado ng COVID-19 sa paggamit ng Local Government Support Fund (LGSF).

Ayon kay Vargas, aabot sa P28 billion ang LGSF sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act na maaring gamitin ng mga apektadong local government units (LGU) para sa kanilang ginagawang hakbang para labanan ang COVID-19.

Kabilang aniya ang LGSF sa guidelines na inilabas ng Department of Budget and Management kung saan maaring gamitin para sa development program at projects  na hindi kaya o labas na sa available funds ng isang LGU.

“COVID19 might have caught us by surprise but the government has made sure that we have sufficient funding to protect our citizens from the virus. LGSF can be a viable option to support the immediate needs of our LGUs,” saad ni Vargas.

Base sa COVID-19 mapping ng Deparment of Health (DOH) natukoy na aabot na sa 28 lungsod at probinsya ang may kumpirmadong kaso ng sakit, na ayon kay Vargas hirap na rin sa augmentation ng pagkain, gamot at sanitation needs.

Para magamit ang LGSF, sinabi ng kongresista na ang tanging gawin lamang ng apektadong LGUs ay magsumite ng request kalakip ang mga documentary requirements sa regional offices o sa central office mismo ng DBM para ito ay ma-evaluate.