Kinumpirma ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na inaprubahan na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang ilang mga high-impact projects na nagkakahalaga ng P269.7 billion.
Sinabi ni Balisacan ang pag-apruba sa nasabing proyekto ay patunay sa commitment ng Marcos Jr., administration na agresibong isulong ang infrastructure development upang makamit ang medium-term development goals gaya ng pagkakaroon ng mga dekalidad na trabaho at maayos na pamumuhay para sa sambayanang Pilipino.
Kabilang sa mga proyektong inaprubahan ay ang Dialysis Center Public-Private Partnership (PPP) Project para sa Renal Center Facility ng Baguio General Hospital Medical Center (BGHMC).
Layon nitong palawakin ang dialysis unit ng nasabing pagamutan sa pamamagitan ng karagdagang 108 Hemodialysis (HD) machines, palakasin ang serbisyo sa hemodialisys treatments at para mabawasan ang gastos ng mga pasyente.
Kasama rin sa tinalakay ang upgrade, expansion, operations and maintenance ng Bohol-Panglao International Airport.
Ito’y para suportahan ang pagbangon mula sa pandemya at isulong ang bagong konsepto ng ‘Green’ and ‘Connected’ airports.
Ayon kay Balisacan, napag-usapan rin sa NEDA Board meeting ang Cebu Bus Rapid Transit (CBRT) Project at ang Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) Project.