Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang donasyon na ibinigay sa Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga ng P267.085 million na nananatiling unrecorded o hindi nakatala sa books of accounts ng ahensiya.
Sa latest udit report ng COA para sa taong 2021, ang donasyon na natanggap ng PNP ay hindi naitala dahil sa hindi pagsumite ng deeds of donation at iba pang kaukulang dokumento ng logistics officers sa kanilang respective accounting units.
Kabilang sa listahan ang mga sasakyan ng PNP na 49 units ng Hyundai Elantra at 81 Starex vans na donasyon mula noong 2017 hanggang 2020 ng Republic of Korea para sa regional at provincial offices at sa offices sa PNP headquarters.
Ayon pa sa state auditors nakalap din ng state auditors mula sa annual reports ng PNP at nadiskubre na hindi din naitala sa books of accounts ang nasa 22 units ng Toyota Grandia na donasyon mula sa Public Safety Savings and Loans Association, 4 units ng Toyota Hilux mula sa Servequest Properties Corporation, 2 units ng Toyota Hilux mula sa Rotary Club Makati Central, lahat ng ito ay donasyon noong 2020.
Liban pa dito, mayroon ding P3.65 million halaga ng equipment gaya ng scuba gear at iba pang training euipment na donasyon ng US government mula 2020 hanggang 2021.
Ayon sa audit team, pumayag ang pamunuan ng PNP sa rekomendasyon na agarang magsumite ng kopiya ng deeds of donation at iba pang dokumento para sa lahat ng unrecorded donated properties.
Bilang tugon pa sa audit team, iniulat ng PNP na sa national headquarters , nasa 40 mula sa 50 donasyon ay naitala na sa accounting records pagkatanggap ng resibo ng deeds of donation mula sa mga concerned offices.
Nakapagsumite na rin ang mga PNP offices gaya ng National Capital Region Police Office at provincial offices sa Region 3,5,6 at 9 ng kaukulang dokumento.