-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Magbibigay ng P250,000 na reward money ang Sangguniang Bayan ng M’lang, North Cotabato sa sinumang makapagtuturo sa mga suspect na pumatay sa dalawang anak ng principal sa Bagontapay, M’lang, North Cotabato matapos looban ang kanilang bahay. 

Ayon sa M’lang PNP, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pinasok ng mga suspect ang bahay ng mga biktima para makapagnakaw ngunit nasa loob ang magkapatid kaya nadamay ang mga ito at sila ay pinaslang.

Dumaan sa likod ng bahay ang mga suspect kaya’t hindi ito namalayan ng magkapatid na sina Crizzle Gwynn at Crizzule Luois Maguad.

Nakaligtas naman ang kasambahay ng mga biktima, na sinasabing nakatago pa sa loob ng silid at nakapagpost pa sa kanyang facebook na humuhingi ng tulong.

Agad naman na kinondena ng LGU M’lang ang pangyayari, at naglabas ng reward money si Vice Mayor Joselito Piñol sa sinumang makakapagturo sa posibleng mga suspect sa Maguad Siblings killing sa Barangay Bagontapay. 

Samantala, karagdagang P50,000 naman ang ibibigay ni Mayor Russel Abonado.

Hustisya ang sigaw ng pamilya at kaanak ng mga biktima sa karumal-dumal na pagpatay sa magkapatid.