-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na mayroong P238 bilyon na pondo ang pamahalaan upang tugunan ang epekto ng nararanasang oil shock sa bansa. 

Sa pagdinig ng LEAD Committee sa Kamara ay sinabi ni Acting Budget Secretary Rolando Toledo na ang pondo ay magmumula sa 2026 budget at mga continuing appropriations ng administrasyong Marcos.

Binigyang-diin ni Toledo na tututok ang gobyerno sa targeted assistance sa halip na malawakang subsidiyo upang matiyak na ang tulong ay makakarating sa mga sektor na pinaka-vulnerable sa krisis. Sa kasalukuyan ay naipalabas na ang P3.5 bilyon para sa transportasyon at P10 bilyon para sa presidential assistance sa mga sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Bukod sa transportasyon at pagkain ay tuloy-tuloy din ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng programang AICS at suporta para sa mga OFWs. 

Tiniyak ng DBM sa mga mambabatas sa ilalim nina Speaker Bojie Dy III at Representative Miro Quimbo na handa ang gobyerno na palawakin ang mga safety-net programs gaya ng TUPAD kung sakaling lumala pa ang sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis.