-- Advertisements --

Idineklara ang state of calamity sa Baguio City kasunod ng patuloy na epekto ng krisis sa langis na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Ito ay matapos aprubahan ng city council ang Resolution No. 257 series of 2026, na umaayon sa naunang deklarasyon ng national state of emergency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nilagdaan ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang naturang resolusyon upang pormal na ipatupad ang state of calamity sa lungsod.

Dahil sa deklarasyon, maaari nang gamitin ng lokal na pamahalaan ang kanilang disaster risk reduction and management funds upang matugunan ang epekto ng kakulangan sa suplay ng enerhiya.

Pinapayagan din ang city government na mobilize ng mga kinakailangang resources, magpatupad ng mga regulasyon, at makipag-ugnayan sa mga national agency para sa mas epektibong pagpapatupad ng programa.

Ayon sa ulat, malaki ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa lungsod, kabilang na ang pagbaba ng bilang ng mga turista ng hanggang 50% nitong nakaraang Holy Week.

Bilang tugon, nagpatupad na ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay at emergency mobility program.