-- Advertisements --

Muling tataas ang singil sa kuryente ng mga konsumer ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Abril 2026 matapos magpatupad ng dagdag na P0.5335 kada kilowatt-hour (kWh).

Ayon sa Meralco, aabot na sa P14.3496 kada kWh ang kabuuang rate mula sa dating P13.8161 noong Marso. Katumbas ito ng humigit-kumulang P106 na dagdag sa buwanang bayarin ng karaniwang bahay na kumokonsumo ng 200 kWh.

Ayon sa kumpanya, pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang pagmahal ng generation charge na umakyat ng P0.5257 kada kWh. Ito ay dulot ng paghina ng piso laban sa dolyar, na nakaapekto sa mga gastusing naka-denomina sa dolyar ng mga power supplier.

Dagdag pa ng Meralco, tumaas din ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa kakulangan ng suplay sa Luzon grid at pagtaas ng demand ngayong tag-init.

Gayunpaman, nilinaw ng opisyal ng Meralco na hindi pa kasama sa Abril billing ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo bunsod ng digmaan sa Middle East, at inaasahang mararamdaman daw ito sa mga susunod na buwan.

Samantala, bahagyang bumaba naman ang transmission charge, ngunit may pagtaas pa rin sa iba pang singil tulad ng buwis.

Sa kabila nito, patuloy na ipinapatupad ang ilang diskwento para sa mga kwalipikadong konsyumer, kabilang ang 100% diskwento para sa mga mahihirap na kabahayan na kumokonsumo lamang ng 50 kWh pababa, alinsunod sa patakaran ng Energy Regulatory Commission.

Hinimok naman ng Meralco ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente, lalo na ngayong tag-init kung kailan tumataas ang konsumo dahil sa paggamit ng mga cooling appliances tulad ng air conditioner.

Kabilang sa mga payo ng kumpanya ang pag-unplug ng appliances kapag hindi ginagamit, paggamit ng natural na liwanag, at tamang pag-set ng aircon sa 25°C upang makatipid sa konsumo ng kuryente.