-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naharang ng mga personahe ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Davao ang 1,020 mastercases ng mga ipinuslit na mga sigarilyo na may halagang aabot sa P28,872,000.00 sa Davao International Container Terminal (DICT), Panabo City, Davao Del Norte.

Una ng nakatanggap ng impormasyon ang Intelligence Group ng BOC at napag-alaman na ang nasabing shipment ay una ng idineklara na 1,077 packages ng iba’t-ibang items gaya ng plastic wash basins, plastic chairs, drainer baskets at bond papers.

Ngunit ng isinagawa ang physical inspection, positibo mga ipinuslit ito na mga pakete ng sigarilyo na kinabibilangan ng 1000 master cases ng Two Moon cigarettes at 20 master cases ng Fort Menthol cigarettes.

Agad na nagpalabas si District Collector, Atty. Erastus Sandino B. Austria ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabong mga kargamentos na naka-consigned sa Essafrank Consumer Goods Trading dahil nakalabag ito sa Section 117 at Section 1400 sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Tiniyak ngayon ng BOC sa publiko na mananatili silang alerto para lamang ma-protektahan ang mga border sa bansa laban sa mga nagpapalusot ng mga kontrabando kabilang na ang mga sigarilyo na siya umanong dahilan ng pagkalugi ng tobacco industry sa bansa at pagkalugi rin ng gobyerno na makuha ang tamang buhis.