NAGA CITY – Aabot umano sa P200 million na halaga ang nakalaan na pondo para sa mahigit 2,000 na mga manggagawa na makakatanggap ng P5,000 sa Bicol Region ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay kaugnay ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Adjustment Measure Program (CAMP) sa ilalim ng Bayanihan 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Johanna Gasga, tagapagsalita ng DOLE-Bicol sinabi niton g priority ng ahensiya na mabigyan ng nasabing cash assistance ay ang mga aplikante noong buwan ng Abril na hindi naabot ng pondo kung saan isa-isa ang mga itong inabisuhan na magre-apply para sa CAMP.
Ngunit nagkaroon aniya ng panibagong procedure at may online link na rin kung saan kinailangan ng mga ito na magre-apply at magsumite ng mga requirements dahil na rin sa ibinabang direktiba kung saan ipinahinto ang lahat ng programa sa ilalim ng Bayanihan 2.
Nabatid din na kahapon ang deadline ng aplikasyon sa CAMP kung saan posible umanong makatanggap ang mga nakahabol pa sa aplikasyon lalo na kung may pondo pa para sa mga ito.
Sinabi pa nito na noong buwan pa ng Nobyembre nagsimula ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng CAMP. Samantala, nagpaalala naman si Gasga sa mga employer hinggil sa tamang 13th month pay bago o sa pagdating ng Disyembre 24.