-- Advertisements --

Maglaan ng P2 bilyon pondo ang House of Representatives upang matulungan ang mga nagtitingi ng bigas na apektado ng price ceilings na ipinatupad ng Malacañang noong Biyernes.

Inatasan ni Speaker si Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, chairman ng Komite ng Appropriations, na agad na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa apurahang alokasyon ng P2 bilyong pondo para sa mga nagtitingi ng bigas.

Dahil dito agad na makipag ugnayan si Co kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, para humanap ng paraan para sa alokasyon ng naturang pondo.

Binigyang halaga ni Speaker Romualdez,  na ang kanyang inisyatiba ay nagpapakita lamang ng hindi natitinag na paninindigan ng Kapulungan sa pagpapatatag at pagpapalago ng mahalagang supply chains sa pagkain.

Nauna nang ipinahayag ni Speaker ang kanyang plano na manawagan sa mga lider ng mga nagtitingi ng bigas sa buong kapuluan ngayong linggo, upang pakinggan ang kanilang mga hinaing hinggil sa potensyal na pagkalugi, sanhi ng paglalagay ng hangganan sa halaga ng bigas.

Inisyu ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 39, na nagtatakda sa halaga ng bigas sa halagang P41.00 kada kilo para sa regular milled na bigas at P45.00 para sa well-milled na bigas simula sa ika-5 ng Setyembre.
Ang hakbang ng pamahalaan ay resulta ng mga nakalap na impormasyon na nagbubulgar sa ilang mga walang konsiyensyang neghosyante ng bigas na nagpaplanong itaas ang halaga ng bigas hanggang P70.00 kada kilo.