Iniulat ng Department of Transportation na aabot sa Php19 million na halaga ng multa ang kanilang nakolekta mula sa mga colorum public utililty vehicles sa bansa.
Ito ay sa gitna ng patuloy na mahigpit na ipinapatupad na nationwide crackdown laban sa mga ilegal na sasakyan o mga colorum.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng naturang ahensya, mula noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 22, 2023 ay nasa kabuuang 50 PUVs na ang nahuli ng kanilang Special Action and Intelligence Committee for Transportation kabilang na ang mga van at bus.
Sa ilalim ng nasabing kampanya kontra colorum na sasakyan ay pagmumultahin ng Php200,000 na halaga ang mahuhuling mga colorum na van, habang nasa Php1 million naman na mula ang sisingilin sa mga mahuhuling bus na mapag-aalamang sangkot sa naturang maling gawain.
Samantala, sa ngayon ay patuloy ang ginagawang mahigpit na pakikipag-partnership ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation sa Philippine Coast Guard para sa crack down ng mga illegal transport activities na nagdudulot naman ng banta sa mga pasahero at maging sa iba pang road users.
Habang nakikipag-ugnayan naman na sa ngayon sa Department of Health at Technical Education and Skills Development Authority ang DOTr para naman sa crack down ng mga colorum ambulance. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)